Araw ng Pasko, kung bakit may isang tao ang tila ba biglang sumulpot sa aking alaala. Francis ang pangalan niya. Kaibigan ko siya mahigit 10 taon na ang nakalipas. Matalik na kaibigan. Napakabait sa akin ng taong ito, ngunit sa iba, tila ba napakasuplado niya. Napakatalino rin niya, mahilig magbasa at makipagduwelo sa pamamagitan ng salita’t malalalim na diwa. Batang-bata pa ako noong mga panahong halos araw-araw ay kasama ko siya, at dahil na rin siguro sa gayon, madaling nahulog ang loob ko kay Francis. At siya rin ang kauna-unahang lalaking aking nakasiping.
Purong Chinese si Francis. Nadala na niya ako sa bahay nila, at naka-almusal ko na ang nanay at tatay niya, parehong purong Chinese. Barkada, iyan ang pakilala niya sa akin sa nanay niya, na madali ko rin namang nakapalagayang loob. Magiliw si nanay, at marahil dahil marunong din naman akong makitungo, kahit na sa una pa man naming pagkakakilala, napakarami na niyang kuwento sa akin. Mabait si nanay. Ang tatay naman ni Francis ay may angking kakaibang ugali. Bihira siyang magsalita. Siguro may dalawampung taon ang agwat ng edad ni tatay at nanay. Madalas lulugo-lugo si tatay, marahil dahil na rin sa edad. Maliban sa paanyayang, “Tara’t mag-almusal na tayo,” wala na akong matandaang anupamang salitang binitiwan niya. Ilang beses din akong nagpabalik-balik sa bahay nila. At sa bawat pagbisita, puro masasayang alaala ang baon ko pauwi.
Minsan, sinuklian ni Francis ang aking pagpunta-punta sa bahay nila. Minarapat naming magkita pagkatapos niya sa kanyang eskuwela isang gabi. Di ko na matandaan kung bakit kami nagpasyang mag-inuman, ngunit iyon na nga ang nangyari, sa aking studio-type condo unit, sa may bandang Timog Ave.
Babae, babae, at babae. Yan ang punong topic namin. Di naman sa pagyayabang, may kani-kaniya kaming mga “fans club” sa eskuwela. Meron pa ngang mga babae na nalilito kami kung kanino may gusto — sa akin ba , o sa kanya. Walang humpay ang tawanan namin noon, kahit pa kaming dalawa lang ang nag-iinuman. Walang tigil ang kuwentuhan. Yun na yata ang gabing may pinakamarami akong naitumbang bote ng beer. Andami ko talagang nainom. Tumigil lang kami nang naubos na ang beer sa ref ko, at wala na rin kaming lakas para lumabas pa’t bumili. Natural, dahil sa pagkalango, bagsak kami sa kama.
Pero di natigil ang tawanan at kuwentuhan. Nauwi sa harutan at kilitian. Hanggang sa pareho kaming napatigil. Tila ba may anghel na dumaan. Di ko alam kung dahil pa rin sa alkohol, pero ramdam kong parehong nag-iinit ang mga katawan namin. Maliit lang kasi ang kama ko kaya’t nakadampi ang braso niya sa braso ko. Ramdam ko ang init na galing sa balat niya, nanunuot sa kalamnan ko. Sa gitna ng katahimikan, tumawa siya, mahina. Parang alam ko na kung ano ang mangyayari. Kumakabog ang dibdib ko na para bang may tatlumpung puso ang tumitibok sabay-sabay. Sabi ko na lang, pabiro, “gawin mo na ang gusto mong gawin.”
[itutuloy]
(This is a true story, by Migs the Manila Gay Guy.)
Possibly Related Posts:
- Si Francis (ang ikalawang yugto) Ang nakaraan: [Narito ang kabuuan ng nakaraan.] Ramdam ko...
- Drama Queens This Is For You “I can’t live without you, because I will love you...
- Confused Francis In a previous post, I invited readers who are...
- Ang manunulat at ang manggagamot Ang sarap siguro ng buhay ng mga manunulat. Sentro na...
- Matt, the Military Gay Guy Reader Matt writes about his life in the closet. Let’s...


