Manila Gay Guy
  • facebook


Wari ko’y di naiiba ang pananampalataya sa maigting na pag-ibig, lalo na kung ito’y para sa isang kabiyak na hinintay nang mahabang panahon, lalo pa’t kung turing sa sarili’y di karapat-dapat sa dinadakilang kamay na siya pa ang humahalina.

Patuloy kong winawari ang pananampalataya, ang mga alamat ng pangungulila, at mga bagay na siyang binabalintunang karapat-dapat para sa atin sa mundong ito.

Tanda ko, matagal na panahon na ang lumipas, may isang ingkong na bumabaybay sa dalampasigan, dakot-dakot ang sambalilo sa kanyang impis na dibdib, humahabi ng dasal sa hanging alat, at sa Kristong nakatago sa bumubulwak na tubig dagat.

Naisip ko ang kuwento ng unos bago ito’y napaligamgam, nang ang mga alagad ay nagising at nagulantang sa bagyo, lalo nang makita ang anino ng kanilang guro na lumalakad sa lawa, pinapa-alingawngaw ang ngalan nila.

Naisip ko na hindi ba’t tayo’y matagal na ring naghihintay at naghahanda para sa ganiyang pagbalikwas, sa ganiyang pagtalima, sa ganiyang nananawag na batingaw, nananaghoy para sa ating pag-“Oo!” bagaman ang sa atin ay hindi singrangya, bagkus ay tila ba pabulong, sa dambanang walang altar, kung saan naghihintay ang ginigiliw.

At sa ating paghakbang papalaot patungo sa kanila, papaimbulog ang mapayapang gulat dahil wala na ang takot na dati’y nakasapi, lumisan na ito at napalitan ng nakapailanlang na kagitingan ng diwa. Pagtapak sa dati’y lumalaguklok na dagat, hindi man lang tatapikin ng takot, at kahit gustuhin mang lumubog ay hindi.

Dahil pagkatapos ng lahat ng pagpupunyagi, pagkalipas ng mahabang panahong ibinuhos sa paghahalukipkip ng damdaming nais lamang ay magmahal nang tapat, nagpasiya na ang kaibuturan ng ating pagkatao. Tama na ang paglubog at pagpapatihulog, oras na upang mabuhay nang tunay, magmahal nang tapat. Oras na upang sumangayon sa kislot ng damdaming babagtas ng anumang dilim o tarik, saklaw o sagabal, pusali o panganib, upang maabot lamang ang kamay na itinakdang tanganan.

(Dedicated to Mr. M. Interpreted and translated from David Whyte’s The Truelove, by Migs the Manila Gay Guy.)

Comments (6)

  1. allen said on 20-05-2011

    Ang hahaba ng mga words mo dito Migs. Ang hirap basahin. Hahaha.

  2. J said on 07-05-2011

    Ay balinguyngoy! Pero ang ganda. 😀

  3. clark23 said on 05-05-2011

    Interpreter please….(in short?) heheh kidding aside. Poetry do really comes in diverse forms. 😉

  4. elmerlovesoreo said on 05-05-2011

    Nalula naman ako sa lalim ng mga Tagalog na salitang ginamit. Makata! 🙂

  5. A.R. said on 04-05-2011

    this is so heart felt.. grabe na feel ko ung emotion outpouring 🙂 so authentic and warm 🙂

  6. Chris said on 04-05-2011

    this is beautiful migs. 🙂

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *